Naghahanap ng pelikulang mapapanuod sa telebisyon ang aking asawa at anak. Pero malapit ng matapos ang mga pelikulang nakikita nila. Kahit na patapos na ang mga pelikula, masaya pa rin nila itong pinapanuod. Naghanap pa sila ng ibang pelikula at walong pelikula pa ang nahanap nila na halos patapos na rin. Tinanong ko sila, “Bakit ayaw ninyo na lang pumili ng pelikula na mapapanuod ninyo mula sa simula hanggang katapusan?” Sagot naman ng aking asawa, “Gusto kasi naming mapanuod agad ang magandang katapusan ng pelikula.”
Inaamin ko na ganoon din naman ako. Masaya akong malaman ang katapusan ng paborito kong libro o pelikula. Kahit sa pagbabasa ko ng Biblia, pinipili ko ang mga paborito kong kuwento at ang mga madaling maunawaan. Ngunit ginagamit ng Banal na Espiritu ang Biblia upang kumilos sa ating buhay at patatagin ang ating pananampalataya na magiging maganda ang katapusan para sa lahat ng nagtitiwala kay Jesus.
Sinabi pa nga ni Jesus, “Ako ang Alpha at ang Omega, na ang ibig sabihin, ang una at ang huli, o ang simula at ang katapusan ng lahat” (Pahayag 22:13). Ipinahayag Niya rin na ang mga magtitiwala sa Kanya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan (Tal. 14). Nagbigay rin Siya ng babala sa sinumang magdadagdag o magbabawas sa nilalaman ng Kanyang aklat (Tal. 18-19).
Hindi man nating lubos na nauunawaan ang lahat ng nasa Biblia, pero nakatitiyak tayo na muling babalik si Cristo. Tutuparin Niya ang lahat ng Kanyang sinabi. Babaguhin Niya ang lahat at maghahari Siya sa atin.