Minsan habang nagmamaneho ako, hindi ko inaasahan na may makikita akong isang sunflower sa gilid ng kalsada. Nagtaka ako kung paanong mag-isang tumubo ang sunflower na ito na walang kasamang ibang bulaklak. Tanging ang Dios lamang ang makakapagpatubo nito.
Tulad ng bulaklak na hindi ko inaasahang makita sa daan. Mababasa rin natin sa Lumang Tipan ng Biblia ang tungkol sa hindi rin inaasahang pagdating ng isang tapat na hari ng Juda. Si Josia. Sapagkat sumasamba sa mga dios-diosan ang kanyang tatay at lolo.
Naging hari si Josia noong walong taong gulang pa lang siya at “habang bata pa siya, nagsimula siyang dumulog sa Dios ng kanyang ninunong si David” (2 Cronica 34:3). Nagpadala siya ng mga manggagawa na maglilinis ng templo ng Dios (Tal. 8). At habang ginagawa nila ito, nakita nila ang Aklat ng Kautusan (Tal. 14). Kumilos ang Dios sa buhay ni Josia upang pangunahan ang mga taga-Juda na sumamba muli sa tunay na Dios, at naglingkod sila sa Dios habang buhay si Josia (Tal. 33).
Maraming ginagawa ang Dios na hindi natin inaasahan. Tinutulungan Niya tayo at pinagkakalooban din ng kagandahang-loob at habag sa mahihirap na sitwasyon sa ating buhay. Bawat araw, mararanasan natin ang Kanyang habag at kagandahang-loob sa atin.