Nagmadaling pumunta si Robert sa lugar kung saan sila magkikita ng kanyang kaibigan. Sa kanyang pagmamadali, naiwan niya ang kanyang pitaka. Dahil doon, nabahala siya ng husto. Inisip pa niya kung o-order pa ba siya o hindi na. Nahihiya kasi si Robert dahil wala siyang pambayad o pang-ambag sa pagkain. Nalaman ito ng kanyang kaibigan at kinumbinsi siyang huwag ng mag-alala. Dahil ayos lang sa kaibigan niya na magbayad ng kanilang pagkain. Kaya, hindi na nakatanggi si Robert sa panlilibre ng kanyang kaibigan. Naging masaya rin ang kuwentuhan nila habang kumakain.

Naranasan mo na rin ba na malibre ng kaibigan mo? O katulad ni Robert na gustong magbayad pero walang kakayahan. Ito ang mga pagkakataong kailangan nating tanggapin ng masaya ang mga libre na ibinibigay sa atin.

Sa Lucas 15:17-24 naman, mababasa natin na iniisip ng bunsong anak kung paano siya makakabawi o makapagbabayad sa kanyang ama. Kaya sinabi niya na, “Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo. Gawin n’yo na lang akong isa sa mga utusan ninyo” (Tal. 19).

Hindi naman ito magagawa ng kanyang ama. Dahil mahal niya ang kanyang anak na muling nagbalik. Sinalubong pa ng ama ang anak ng yakap at halik (Tal 20). Ipinapaalala naman nito sa atin na sa pamamagitan ng pagkapako ni Jesus sa krus, tinanggap tayo ng Dios Ama, kahit na hindi tayo karapat-dapat sa piling Niya. Ganito rin ang nais iparating ng isang awit “Wala man akong kakayahang lubos, magtitiwala pa rin ako sa Iyo doon sa krus.”