Sa aming pamilya, kilala si Lolo Dierking na mayroong matatag na pagtitiwala sa Dios at laging nananalangin. Hindi naman siya ganito sa simula. Naaalala pa nga ng tita ko ang unang beses na sinabi ni lolo sa kanila na “simula ngayon, mananalangin at magpapasalamat na tayo sa Dios bago kumain.” Simula nga noon isinabuhay na ni lolo ang pananalangin araw-araw. Ang desisyon ni lolo na magtiwala sa Dios at ang lagi niyang pagkausap sa Dios, ang dahilan kung bakit isa siyang tapat na lingkod ni Cristo.
Mababasa naman natin sa Mateo 6:9-13, na itinuro ni Jesus ang “Ama Namin” sa Kanyang mga tagasunod upang maging batayan nila sa tamang pananalangin at pagbibigay ng taimtim na papuri sa Dios Ama. Ganoon din, kung paano natin dapat ipagkatiwala sa Dios ang ating “pagkain sa araw-araw” (Tal. 11), sa tuwing humihingi tayo sa Kanya. Ganoon din sa tuwing nagkakasala tayo, humingi tayo ng kapatawaran at ng tulong upang ilayo tayo sa tukso (Tal. 12-13).
Ngunit hindi naman hanggang “Ama Namin” lang ang maaari nating idalangin. Sa halip, nais ng Panginoon na manalangin tayo “ng lahat ng uri ng panalangin” sa “lahat ng oras” (Efeso 6:18). Mahalaga sa ating pang-espirituwal na pag-unlad ang pananalangin, pagkakataon na rin natin ito upang magkaroon ng patuloy na ugnayan sa Kanya (1 Tesalonica 5:17-18).
Sa ating pananalangin sa Dios, maging daan nawa ito upang mas makilala at mahalin pa natin ang Dios.