Noong nag-aaral pa ako, bihira kaming dumalo ng aking mga kaklase sa mga espesyal na pagtuturo sa aming paaralan. Pero bago ang aming pagsusulit, sinisiguro namin na dumalo sa pagtuturo ni Prof. Chris. Doon niya kasi ibinibigay ang mga posibleng tanong sa aming pagsusulit. Iniisip ko nga kung bakit ginagawa iyon ni Prof. Chris. Mataas kasi ang pamantayan niya sa pagtuturo. Kaya gusto niyang mag-aral kami ng husto at handa siyang tulungan kami na makapasa. Ang kailangan lamang naming gawin ay dumalo at makinig kami sa kanya upang maging handa.
Ganito rin naman ang Dios sa atin. Hindi Niya maaaring ibaba ang Kanyang pamantayan para sa atin. Kaya naman ibinigay Niya sa atin ang Banal na Espiritu upang tulungan tayong maabot ang mga pamantayang iyon.
Mababasa naman sa Jeremias 3:11-14, na hinikayat ng Dios, ang masuwaying mga Israelita na aminin ang kanilang pagkakamali at manumbalik sa Kanya. Ngunit, alam din ng Dios na mahina sila. Kaya naman, nagpadala Siya ng mga pastol na magtuturo at gagabay sa mga Israelita (Tal. 15). Ipinangako rin ng Dios na “pagagalingin ang kanilang kataksilan” (Tal. 22).
Masaya namang malaman na handa tayong tanggapin ng Dios kahit matindi ang ating pagkakasala. Kailangan lamang nating amining nagkamali tayo at humingi ng tawad sa Dios. Magtiwala tayo kay Jesus na ating Tagapagligtas sa kaparusahan sa kasalanan. Sa gayon, magkakaroon tayo nang maayos na relasyon sa Dios.