Sa isang sikat na pelikula noon, sinubukan ng bidang lalaki na magkabalikan sila ng kanyang asawa. Sinabi niya sa kanyang asawa, “Ikaw ang bumubuo ng buhay ko.” Ayon naman sa alamat ng mga Griyego, kailangan ng bawat isa sa atin na mahanap ang kalahati ng ating buhay upang mabuo ang ating pagkatao.
Parte na ng kultura natin ang paniniwalang mabubuo tayo kapag nahanap natin ang ating katuwang sa buhay. Pero totoo ba ito? Ngunit, marami akong nakausap na mga mag-asawa na pakiramdam nila na hindi pa rin sila buo. Hindi sila buo dahil wala pa silang anak o mayroon naman silang mga anak, pero parang may kulang pa rin. Dahil ang totoo, walang taong lubusang makapagbibigay ng bagay na makapagbubuo sa atin.
Ganito naman ang sagot ni Apostol Pablo, “Dahil ang kapuspusan ng Dios ay nananahan sa katawan ni Cristo At naging ganap kayo sa pakikipag-isa n’yo sa Kanya” (Colosas 2:9-10). Hindi lamang tayo pinatawad at pinalaya ni Jesus, kundi kinumpleto Niya tayo nang manahan ang Dios sa ating buhay (Tal. 13-15).
Maganda ang magkaroon ng asawa. Pero, hindi ito ang kukumpleto o bubuo sa atin. Dahil tanging si Jesus lamang ang makagagawa nito. Kaya naman, sa halip na umasa tayo sa tao, sa trabaho, o sa anumang bagay, magtiwala tayo sa Panginoong Jesus. Tanggapin at pagtiwalaan natin ang Dios lamang ang Siyang bubuo sa ating buhay.