Noong 1890, naranasan ng misyonerong si Eric Lund, ang paggabay ng Dios na magpunta siya sa bansang Espanya. Agad namang sumunod si Eric upang ipahayag ang Salita ng Dios. Kahit nag-aalalangan na magtatagumpay doon, nagpatuloy siya at nagtitiwala sa Dios na nagsugo sa kanya.
Minsan, nakilala ni Eric ang isang Pinoy na si Braulio Manikan. Ipinahayag ni Eric kay Braulio ang tungkol sa Magandang Balita. Dahil dito, nagtiwala sa Panginoong Jesus si Braulio. Magkasama nilang isinalin sa wikang Tagalog ang Biblia. Sa kalaunan, sinimulan din nila ang kauna-unahang pagpapalaganap ng Salita ng Dios sa Pilipinas. Marami ang nagtiwala kay Jesus, dahil sa pagsunod ni Lund sa pagsugo sa kanya ng Dios, tulad ng ginawa ni Propeta Isaias.
Sinabi naman sa Isaias 6:8, ang tungkol sa paghahanap ng Dios sa Kanyang susuguin upang ipahayag ang Kanyang hatol sa mga Israelita. Agad naman nagprisinta si Propeta Isaias, “Narito po ako! Ako ang isugo Ninyo.” Ginawa iyon ni Isaias hindi dahil nararapat siyang suguin. Sa halip, inamin niya sa Dios na isa siyang makasalanan (Tal. 5), at dahil nasaksihan niya ang kabanalan ng Dios at hinipo siya ng Dios upang siya ay maging malinis (Tal. 1-7).
Tinatawag ka ba ng Dios upang maglingkod sa Kanya? Nagdadalawang-isip ka ba na sumunod? Kung ganito nga, lagi mong alalahanin ang ginawa ng Dios para sa atin. Ipinagkakaloob din sa atin ng Dios ang Banal na Espiritu upang tulungan at gabayan tayo (Juan 14:26; 15:26-27). Tutulungan din tayo ng Dios na maging kung saan man Niya tayo susuguin. Kaya naman, tulad nawa ni Isaias, tumugon din tayo sa Dios ng “Isugo po N’yo ako!”