Sikat sa kagubatan ng Oregon Malheur National Forest ang isang uri ng fungus na tinatawag na “honey mushroom.” Makikita ito sa lawak na 2,200 ektarya ng kagubatan. Kaya naman, ito ang organismo na pinakamarami na nabubuhay roon. Gumagapang at kumakalat ang honey mushroom sa paanan ng mga puno. Habang lumalaki ito, namamatay naman ang puno kung nasaan sila. Kahit sobrang lumalaki at kumakalat ang mga organismong ito, nagsimula pa rin ito sa isang napakaliit na fungus.
Ayon naman sa Biblia, dahil sa pagsuway ng isang tao, lumaganap ang kasalanan. At dahil din sa pagsunod ng isang tao ay nagkaroon ng kaligtasan sa kaparusahan sa kasalanan.
Sinabi sa Biblia, “Kung paanong ang pagsuway ng isang tao ay nagdulot ng kaparusahan sa lahat, ang matuwid na ginawa rin ng isang tao ay nagdudulot ng kapatawaran at buhay sa lahat” (Roma5:18 MBB). Pinaghambing ni Apostol Pablo sina Adan at si Jesus (Tal. 14-15). Sa kung paano nagdulot ng kaparusahan at kamatayan “sa lahat ng tao” ang ginawang kasalananan ni Adan (Tal. 12). At kung paano naman, iniligtas ni Jesus “ang lahat” noong namatay Siya sa krus. Dahil dito, nagkaroon ng buhay na walang hanggan at lugar sa piling ng Dios ang lahat ng sumasampalataya kay Jesus.
Sa pag-aalay ni Jesus ng Kanyang buhay, nagkaroon ng buhay na walang hanggan ang lahat ng magtitiwala sa Kanya. Kaya naman, matatanggap mo rin ang Kanyang kapatawaran, kung magtitiwala ka sa Panginoong Jesus. Kung isa ka naman nang mananampalataya, magpuri ka at magpasalamat sa kagandahang-loob ng Dios.