Tuwing Biyernes lang ang araw ng pamamalengke sa Ghana, sa lugar kung saan ako lumaki. Kahit matagal na ang panahon na lumipas, naaalala ko pa rin ang isang tindera. Naapektuhan kasi ng ketong ang kanyang kamay at paa. Kaya naman, nakaupo lang siya sa isang basahan sa harap ng kanyang mga paninda. May ilang tao na iniiwasan siya. Pero lagi pa rin sa kanya bumibili ang nanay ko. Nakikita ko rin lang siya sa araw ng pagtitinda niya. Pagkatapos, umaalis na siya patungo sa labas ng bayan.
Sa bansang Israel naman noon, kapag nagkaroon ka ng ketong ay “dapat siyang tumirang nag-iisa sa labas ng kampo” (Leviticus 13:46). Ayon ito sa batas nila. Sa labas din ng kampo, sinusunog ang mga buto ng mga inialay na mga baka (4:12). Ito ang lugar na hindi mo nanaising manirahan.
Nagkatotoo naman ang nakasulat sa Hebreo 13 tungkol kay Jesus. “Kaya lumapit tayo kay Jesus sa “labas ng bayan” at makibahagi sa mga tiniis Niyang kahihiyan” (Tal. 13). Ipinako si Jesus sa labas ng Jerusalem, na isang mahalagang bagay kung pag-aaralan natin ang sistema ng pag-aalay noon ng mga Hebreo.
Marami ang gustong makilala, mapuri at mamuhay nang mapayapa. Ngunit, hinihikayat tayo ng Dios na magtungo sa “labas ng bayan” ang lugar ng kahihiyan. Dito natin matatagpuan ang tinderang mayroon ketong. Dito rin natin matatagpuan ang mga taong pinabayaan. Dito natin matatagpuan si Jesus.