Minsan, hindi makatulog ang pastor ng isang pamayanan. Dahil sinabihan niya ang isang grupo ng kasundaluhan ng mga Amerikano na hindi nila maaaring ilibing ang kanilang kasamahan sa loob ng bakuran ng sementeryo na malapit sa simbahan. Dahil mga kasapi lang ng simbahan ang maaaring ilibing dito. Kaya naman inilibing na lamang ng mga sundalo sa labas ng bakod ang kanilang kasamahan.
Ngunit kinabukasan, hindi na makita ng mga sundalo ang libingan ng kanilang kasamahan. Kaya nagtanong sila sa pastor, “Ano pong nangyari? Bakit po nawala ang libingan ng aming kasamahan?” Sumagot at nagpaliwanag naman ang pastor “Pinagsisihan ko ang hindi ko pagpayag sa inyo. Kaya naman, kagabi tumayo ako at inilipat ko ang bakod.”
Tulad ng pagbabago sa pananaw ng pastor, maaari din tayong bigyan ng panibagong pananaw ng Dios sa ating mga kinakaharap na problema sa buhay, kung hahanapin lamang natin ito. Ito ang mensahe ni propeta Isaias sa mga taga-Israel noong alipin pa sila. “Pero huwag na ninyong iisipin pa ang nakaraan, dahil bagong bagay na ang gagawin Ko. Ito’y nangyayari at nakikita na ninyo. Gagawa Ako ng daan at mga bukal sa disyerto” (Isaias 43:18-19). Ang Dios lamang ang ating pag-asa sa gitna ng pangamba at laban sa buhay. Sinabi pa ng Dios “Maglalagay Ako ng mga bukal sa disyerto para may mainom ang mga pinili kong mamamayan” (Tal. 20).
Sa ating panibagong pagtingin sa buhay, makikita rin natin ang bagong landas na inilaan sa atin ng Dios. Tingnan natin ito at maging matatag ang loob, upang makasunod tayo sa Kanya.