Panahon ng digmaan noon at bumagsak ang eroplanong sinasakyan ni Louie Zamperini at kasamahan niya sa gitna ng dagat. Tatlo lamang silang nakaligtas. Madami silang pinagdaanan, napalibutan sila ng mga pating at umiwas sa bala ng mga kaaway. Para mabuhay, humuli at kumain din sila ng buhay na isda at ibon.
Pagkatapos ng dalawang buwan sa dagat, napadpad sila sa isang isla. Pero, nabihag sila at ginawang bilanggo. Binubugbog, pinapahirapan at pinagtratrabaho sila sa loob ng dalawang taon. Mababasa ang kuwento ng kanilang hindi pagsuko sa librong Unbroken.
Mababasa naman natin sa Biblia na isa si Propeta Jeremias sa taong hindi rin sumuko sa lahat ng kanyang pinagdaan. Natiis niya ang ginawa ng kanyang mga kaaway (Jeremias 11:18), ipinabugbog (20:2), ipinapalo at ikinulong siya sa ilalim ng lupa (37:15-16). Nakaligtas si Jeremias sa lahat ng ito dahil nangako sa kanya ang Dios na sasamahan at ililigtas siya ng Dios (1:8). Katulad ng pangako ng Dios sa atin, “Hinding-hindi Ko kayo iiwan o pababayaan man” (Hebreo 13:5). Laging sinasamahan ng Dios si Jeremias at maging tayo sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay.
Katulad ng pag-iingat ng Dios kay Jeremias, iningatan Niya rin si Louie. Dahil dito, inilaan ni Louie ang kanyang buhay sa paglilingkod kay Jesus. Pinatawad at inakay pa ni Louie ang mga taong nagkasala sa kanya patungo kay Jesus. Naunawaan din ni Louie na hindi niya kailangang mag-isang harapin ang lahat ng kanyang mga problema. Maaari niya harapin ito kasama si Jesus, sa ganitong paraan hindi na siya matitinag ng mga problema.