Malungkot si Zaq, dahil sa masasamang tingin sa kanya ng mga tao. Ngunit, nagkaroon ng isang pagkakataon upang magbago ang buhay niya. Ayon pa nga kay Clement ng Alexandria, isang dalubhasa sa Salita ng Dios, na naging isang tanyag na lider at pastor si Zaq sa Caesarea. Tama! Si Zaqueo na maniningil ng buwis at umakyat sa puno ng sikomoro upang makita si Jesus (Lucas 19:1-10) nga ang tinutukoy ko.
Bakit kaya naisip pa rin ni Zaqueo na umakyat ng puno? Hindi na niya ito kailangan gawin. Dahil itinuturing na siyang traydor ng mga kababayan dahil sa naniningil siya ng sobra-sobrang buwis sa mga ito. Naisip din kaya ni Zaqueo “tatanggapin pa kaya ako ni Jesus?” Baka naman dahil pandak lang talaga siya at marami ang tao doon (Tal. 3), kaya umakyat siya ng puno upang mahanap si Jesus. Sa kabila ng lahat ng ito, tinanggap pa rin ni Jesus si Zaqueo.
Hinahanap din ni Jesus si Zaqueo. Dahil pagdating ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya at sinabi, “Zaqueo, bumaba ka agad, dahil kailangan kong tumuloy sa bahay mo ngayon” (Tal. 5). Itinuring din ni Jesus na dapat Siyang maging panauhin ng isang taong itinakwil na ito. Isipin mo iyon. Nais maglaan ng oras ng Tagapagligtas ng sanlibutan sa mga taong itinakwil.
Katulad ni Zaqueo, magkaroon din tayo ng pag-asa na maaayos natin ang anumang kailangan ayusin sa ating buhay. Dahil kailanman hindi tayo itatakwil ni Jesus, kung magtitiwala tayo sa Kanya. Kaya rin Niyang ibalik ang anumang nawala o nasira sa atin, bibigyan din Niya ng bagong kahulugan at layunin ang ating buhay.