Galing sa lahi ng mga magsasaka si Jim. Maraming siyang alaga, at naalala niya ang masayang paglundag ng sarili niyang alagang guya, noong pinakawalan niya ito. Dahil dito, naantig siya noong mabasa niya ang talatang “sa inyo na nagpaparangal sa Akin...Lulundag kayo sa tuwa na parang mga guyang pinalaya sa kulungan” (Malakias 4:2 MBB).
Dito lubos na naintindihan ni Jim ang pangakong tunay na kalayaan. Kaya naman, nanalangin siya na matanggap ang buhay na walang hanggan na inaalok ni Jesus.
Naikuwento sa akin ng anak ni Jim ang lahat ng iyon, dahil pinag-uusapan namin ang Malakias 4 na mababasa sa Biblia. Ipinagkumpara ni Propeta Malakias ang mga nagtitiwala sa Dios at ang mga taong naniniwala lang sa kanilang sarili (4:1-2). Hinikayat din ni Malakias na sundin ng mga tao ang Dios sa panahon na marami at maging ang mga pinuno ng mga Israelita ang hindi na sumusunod sa Dios (1:12-14; 3:5-9). Pinaalalahanan pa ni Malakias ang mga tao na mamuhay nang tapat dahil nalalapit na ang pagdating ng Dios, na Siyang hahatol sa mga tao sa pagsikat ng araw na ang sinag nito ay nagbibigay ng kabutihan (4:2).
Si Jesus ang sagot sa pangakong ito, mula sa Kanya ang Magandang Balita na ang kalayaan ay maaaring matanggap ng lahat ng tao (Lucas 4:16-21). Pagdating naman ng araw na iyon, isa na tayo sa bagong nilalang ng Dios, madadama na natin ang kalayaan ng lubos. Tunay na napakasaya nito!