Hilig ng aming pamilya ang manood ng balita. Lagi rin naming inaabangan ang mga balitang nakakatuwa, kapuri-puri, mabuti at nakapagbibigay ng inspirasyon sa iba. Tulad ng balita tungkol sa isang tagabalita na nag-donate ng kanyang plasma, matapos gumaling sa Covid19.
Ginawa niya ito dahil nais niyang makatulong sa iba. Ginawa din niya ito kahit na hindi pa alam ng mga dalubhasa kung epektibo nga ang paraang ito. Ngunit para sa mga taong wala ng malalapitan, mahalaga ito. Dahil magbibigay ng lakas-loob at pag-asa ito sa kanila. Sinabi pa ng tagapagbalita na maliit na kabayaran lamang ito para makatulong siya sa iba.
Noong napanood namin ang balitang iyon, napuno ako at ang aking pamilya ng pag-asa. Marahil ito ang epekto sa amin ng “mga bagay” na sinabi ni Apostol Pablo sa Filipos 4, “mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, maganda, at kanais-nais” (Tal. 8). Nasa isip kaya ni Pablo ang pagbibigay ng plasma? Siyempre hindi. Ang nasa isip kasi niya ng mga panahong iyon ay ang gumawa ng mga bagay na makakatulong sa iba o kaya naman ang magsakripisyo para sa iba. Tulad ng ginawa ng Cristo para sa atin. Sigurado ako doon.
Hindi naman namin mararamdaman ang pag-asa sa mabuting ginawa ng tagabalitang iyon, kung hindi ito naibalita. Kaya naman bilang isang saksi sa kabutihan ng Dios, lagi nating ibalita at ibahagi sa iba ang mga bagay na mabubuti. Upang magkarooon din sila ng pag-asa.