Magkasama kaming nagdadasal si Sierra para sa kagalingan ng kanyang anak sa pagkakalulong nito sa droga. Napaiyak siya habang nagdadasal. Kaya naman, tinanong niya ako “Iniisip kaya ng Dios na hindi na ako nagtitiwala sa Kanya, dahil umiiyak ako habang nagdadasal?”
Sagot ko naman “Hindi ko alam ang iniisip ng Dios, pero ang alam ko, alam ng Dios ang nararamdaman mo ngayon.”
Katulad ni Sierra, marami rin tayong mababasa sa Biblia na mga taong tinatanong ang Dios sa tuwing nahihirapan sila. Ganito ang ginawa ng sumulat ng Salmo 42, tinanong niya ang Dios. Ipinahayag pa niya ang kanyang pangungulila sa piling ng Dios. Ipinakita din niya ang kanyang pag-iyak at pagdadalamhati sa kanyang mga nararanasan. Sa kabila ng lahat ng ito, patuloy pa rin siyang nagpuri sa Dios dahil alam niyang tapat ang Dios. Isinulat din niya “Dapat magtiwala ako sa Inyo. Pupurihin ko Kayong muli, aking DIOS at Tagapagligtas!” (Tal. 11). Upang ipaalala sa kanyang sarili ang mga katotohanang alam niya sa Dios at upang hindi siya magpadala sa kanyang mga nararamdaman.
Nilikha naman tayo ng Dios na mayroong emosyon at kawangis Niya. Ang ating pag-iyak para sa iba ang nagpapakita ng ating pagmamahal. Hindi ito ibig sabihin na nawawala ang ating pagtitiwala sa Dios. Maaari nating lapitan ang Dios kahit anong oras dahil alam Niya ang ating nararamdaman. Ang bawat panalangin sa Kanya, tahimik, umiiyak o pasigaw ay pagpapakita ng ating pagtitiwala sa Kanyang pangakong Siya’y laging makikinig at iintindi sa atin.