Nakaupo ako sa food court ng isang mall, nang maisip kong napakalimitado lamang talaga natin, limitado tayo sa oras, lakas at kakayahan. Maraming tao ang nagmamadali dahil sa kani-kanilang mga trabaho. Katulad ko rin silang dahil sa dami ng trabahong dapat tapusin, ngayon lang kakain.
Kaya, naisip kong gumawa ng listahan ng dapat unahin at kailangan kong gawin. Pero sa pagkuha ko ng aking ballpen, mayroon akong bagong naisip. Ang Dios, Siya lamang ang Nag-iisang hindi limitado at walang hanggan, na nagagawa ang Kanyang anumang naisin.
Totoo, tanging ang Dios lamang ang hindi limitado sa lahat. Tulad nga ng sinabi ni Isaias kayang sukatin ng Dios ang dagat sa pagitan ng Kanyang mga kamay at ipunin ang alikabok sa mundo sa isang lalagyan (Isaias 40:12). Siya rin ang nagbigay ng pangalan sa mga bituin (Tal. 26), kilala din Niya ang namumuno sa bawat bansa at landas na kanilang tatahakin (Tal. 23). Para sa Dios, isa lamang alikabok ang mga pulo at isang patak lamang ng tubig sa dagat ang mga lungsod (Tal. 15). “Kanino ninyo Ako ihahalintulad?” tanong Niya (Tal. 25). Sumagot naman si Isaias “ang Panginoon ay walang hanggang Dios, hindi Siya napapagod o nanghihina” (Tal. 28).
Natutunan ko na hindi talaga maganda para sa atin ang mag-isip ng mga bagay na hindi natin kayang gawin. Hindi ako katulad ng walang hanggang Dios. Nagagawa kasi ng Dios ang lahat ng Kanyang naisin. Nang mga sandaling iyon, inubos ko ang aking burger at saglit na tumigil upang tahimik na manalangin at magpuri sa Dios.