Sa araw ng ika-siyamnapung kaarawan, pumanaw si Anita habang natutulog. Tahimik na paglisan tulad ng tahimik niyang buhay. Isang balo, itinuon niya ang buhay sa mga anak niya at mga apo at sa pagiging kaibigan sa mga nakababatang kababaihan sa kanilang simbahan.

Marahil tila ordinaryo lang sa kakayahan at nakamit si Anita pero inspirasyon siya ng mga nakakakilala sa kanya dahil sa malalim na pananampalataya niya. Sabi ng isang kaibigan, “Kapag ’di ko alam ang gagawin sa isang problema, ’di ko iniisip ang salita ng sikat na manunulat o mangangaral. Iniisip ko kung ano ang sasabihin ni Anita.”

Ordinaryong tao na may ordinaryong buhay rin ang marami sa atin. ’Di maisasama ang mga pangalan natin sa balita at ’di tayo gagawan ng monumento. Pero hindi ordinaryo ang buhay na may pananampalataya kay Jesus. Hindi pinangalanan ang marami sa mga taong tinutukoy sa Hebreo 11 (Tal. 35-38). Tinahak nila ang landas na kawalan ng katanyagan at ’di nila natanggap dito sa lupa ang pabuyang pangako (Tal. 39). Pero dahil sinunod nila ang Dios, hindi nasayang ang pananampalataya nila. Ginamit ng Dios ang buhay nila kahit pa hindi sila naging sikat (Tal. 40).

Kung napanghihinaan ka ng loob dahil para bang ordinaryo “lang” ang buhay mo, tandaan - may bunga na pang walang hanggan ang buhay na may pananampalataya sa Dios. Kahit ordinaryo, puwede tayong magkaroon ng pambihirang pananampalataya.