Sa Sri Lanka may tinatawag na tuk tuk, taxi ito na may tatlong gulong. Isang uri ito ng transportasyon na maginhawa at kasiya-siya. At para kay Lorraine na nakatira sa Colombo, isa rin itong lugar kung saan puwedeng makapaglingkod sa Dios. Isang araw na sumakay siya sa tuk tuk, nakita niya na masayang nakipagusap sa kanya tungkol sa relihiyon ang nagmamaneho ng tuk tuk. Sabi ni Lorraine sa sarili, sa susunod ihahayag ko naman ang Magandang Balita tungkol kay Jesus.
Sinimulan ni apostol Pablo ang aklat ng Roma sa pagpapahayag na hinirang siya upang mangaral ng Magandang Balita ng Dios (Roma 1:1). Ito ang layunin ng buhay niya.
Ano nga ba ang Magandang Balita ng Dios? Ayon sa Roma 1:3, patungkol sa Anak ng Dios ang Magandang Balita. Si Jesus ang Magandang Balita! Nais ng Dios na ipaalam sa mundo na dumating si Jesus para iligtas tayo sa kasalanan at kamatayan. Pinili tayo ng Dios para maging tagapagbalita.
Karangalan ng bawat sumasampalataya kay Jesus na ibahagi ang Magandang Balita ng Dios. Tinanggap natin ang kaloob ng Dios para akayin ang iba sa pagsunod na naaayon sa pananampalataya (Tal. 5-6). Hinirang tayo ng Dios upang dalhin ang kapana-panabik na Magandang Balita sa mga tao sa paligid natin, sa tuk tuk o kung nasaan man tayo. Maging tulad nawa tayo ni Lorraine na naghanap ng pagkakataon sa gitna ng araw-araw na gawain niya, upang maihayag sa iba ang Magandang Balita na si Jesus.