Matinding epekto and dinulot ng Covid 19 sa mga negosyante sa lugar ng Tennessee. Nag-alala ang mga negosyante kung paano nila mababayaran ang kanilang mga upa at kung saan kukuha ng pera para mabayaran ang mga tauhan. Kaya naman, nakaisip ang isang namumuno sa simbahan na tulungan ang mga apektadong negosyante sa pamamagitan ng pag-aabot ng kaunting halaga.
“Hindi namin matatanggap na tumatamasa kami ng mga naipong pera samantalang ang ibang tao ay walang magamit tuwing umuulan.” Ito ang nabanggit ng Pastor habang hinihikayat ang ibang simbahan na magpadala rin ng tulong.
Tinatawag na “rainy day fund” ang mga perang isinasantabi natin mula sa sobrang suweldo para magamit sa oras na kailanganin. Hinihikayat tayo ng Biblia na laging isipin ang kalagayan ng ibang tao, maglingkod sa kapwa at maging mapagbigay. Ang Kawikaan 11 ang nagpapaalala sa atin na “Ang mga taong mapagbigay ay lalong yumayaman, ngunit ang mga taong sakim ay hahantong sa kahirapan. Ang taong mapagbigay ay magtatagumpay sa buhay; ang taong tumutulong ay tiyak na tutulungan” (Tal. 24-25).
Kaya naman, tumulong tayo sa mga nangangailangan. Ang mga biyaya na pinagkakaloob sa atin ng Dios ay nagiging mas marami kapag ito ay ibinabahagi sa ating kapwa. Ang pagiging bukas palad sa pagbibigay ay isang magandang paraan upang magbigay pag-asa sa ibang tao at isang magandang paalala ng pagmamahal ng Dios.