Minsan, nagkaroon ng isang discipleship conference sa aming lugar. Napakainit ng panahon nang isinasagawa iyon. Pero, lumamig din sa huling araw ng conference. Dahil dito, nagpasalamat ang lahat ng dumalo sa pagpapalang ito ng Dios. Umawit sila ng papuri at sumamba sa Dios. Habang pinagbubulayan ko ang mga nagdaang -araw, naalala ko ang kagalakan sa pagsamba sa Panginoon.
Alam naman ni Haring David kung paano ang buong pusong pagsamba sa Panginoon. Nagalak si David habang ipinapasok ang Kaban ng Tipan mula sa Jerusalem kaya sumayaw, tumalon at nagdiwang siya (1 Cronica 15:29).
Dahil doon, labis na nainis si Mical, ang asawa ni David nang makita niya ang ginawang ito ni David (1 Cronica 15:29). Hindi naman hinayaan ni David na ang pangungutya ang pumigil sa kanya sa pagsamba sa nag-iisang Dios. Kahit parang nakakawala ng dignidad ang kanyang ginagawa, nais ni David na magpasalamat sa Dios sa pagpili sa kanya para pamunuan ang bansang Israel (Basahin ang 2 Samuel 6: 21-22).
Nang araw na iyon, inutos ni David kay Asaf at sa iba pang mang-aawit na lumikha ng kanta na tungkol sa pasasalamat sa Dios. Sinabi sa Salmo, “Pasalamatan n’yo ang Panginoon. Sambahin n’yo siya! Ihayag sa mga tao ang kanyang mga ginawa. Awitan n’yo siya ng mga papuri; ihayag ang lahat ng kamangha-mangha niyang mga gawa” (1 Cronica 16:8-9 ASD). Nawa’y ialay rin natin ang ating mga sarili sa buong pusong pagsamba sa Dios sa pamamagitan ng ating pagpupuri at pagsamba.