Minsan, naglalakad ang batang si Zander at ang kanyang nanay papunta sa kanilang sasakyan. Pero, biglang tumakbo pabalik si Zander sa pinanggalingan nilang simbahan. Pilit hinihila ng nanay ang kamay ng bata ngunit mahigpit itong nakakapit sa pintuan ng simbahan. Hanggang sa binuhat na ang bata at tuluyan na itong umiyak nang malakas sa bisig ng kanyang nanay.
Likas sa mga bata ang kagustuhang makipaglaro, ganoon din naman si Zander, ngunit mas nanaig ang kanyang kagustuhan na manatili sa kanilang simbahan para sambahin ang Dios. Ganoon rin naman si Haring David, gusto rin niyang sambahin ang Dios. Gusto niyang sambahin ang Dios nang tahimik at payapa para “mamasdan ang Kanyang kadakilaan, hilingin sa Kanya ang kanyang patnubay” (Salmo 27:4).
Ang kagustuhan ni David na laging sambahin at purihin ang Dios ay sadyang kamangha-mangha. Ang isang Hari na si David ay naglalaan ng oras upang purihin ang Dios sa pamamagitan ng pagkanta at pag-gawa ng mga kanta.
Kagaya nila Zander at David, purihin at sambahin din natin ang Dios. Maaari natin itong gawin saan man tayo naroroon dahil ang ang Espiritu ni Cristo ay naninirahan sa ating mga puso (1 Corinto 3:6; Efeso 3:17). Purihin at sambahin natin ang Dios kasama ang iba pa na nagtitiwala sa Kanya, dahil dito natin matatagpuan ang kapayapaan at kaligayahan na ating hinahangad.