Sa wakas, narating na rin ni Annie Dillard ang Bethlehem’s Grotto of the Nativity na itinuturing na lugar kung saan ipinanganak si Jesus. Sa loob ng isang simbahan, naroon ang grotto na pinalilibutan ng mga kandila at lampara na nagbibigay liwanag dito. Makikita rin sa sahig nito ang larawan ng bituin na gawa sa pilak na siyang tanda ng napakahalagang pangyayari sa kasaysayan ng mga Cristiano. Ngunit hindi masyadong napabilib ng lugar na iyon si Annie Dillard dahil alam niya na ang Dios ay higit na kamangha-mangha.
Karaniwan ng binibigyang halaga ang mga lugar na gaya ng grotto dahil bahagi sila ng kuwento ng ating pananampalataya. Isa pang lugar ang nabanggit sa pag-uusap ni Jesus at ng babae sa may balon (Juan 4:20). Ito ay ang Bundok ng Gerizim kung saan sumamba ang kanyang mga ninuno (Tingnan ang Deuteronomio 11:29).
Banal ang turing ng mga Samaritano sa lugar na iyon kahit pa sinasabi ng mga Judio na sa Jerusalem lamang sumamba sa Dios (Tal. 20). Pero sa panahon ni Jesus, binigyang diin niya na ang pagsamba ay hindi lang nauukol sa lugar kundi sa tao na pinag- uukulan nito: “ang mga tunay na sumasamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan” (Tal. 23). Inihayag ng babae kay Jesus ang kanyang pananampalataya kahit hindi niya alam na ito na ang kanyang kausap: Sinabi ni Jesus sa kanya, “Akong nagsasalita sa iyo ngayon ang tinutukoy mo” (Tal. 26).
Hindi lamang matatagpuan ang Dios sa bundok o saan mang lugar. Siya ay kasama natin saan man tayo naroon. Ang banal na lugar ay ang araw-araw nating paglapit sa kanya at pagsasabi ng “Ama Namin” at naroon siya.