Minsan, mahirap sundin ang kalooban ng Dios. Gusto Niya piliin natin ang tama sa lahat ng panahon. Gusto Niya matuto tayong magtiis ng hindi nagrereklamo, magmahal ng mga taong mahirap mahalin. Kaya naman, kailangan nating ipaalala sa sarili na sundin natin lagi’t lagi ang gusto ng Dios.
“Sa Dios lang ako may kapahingahan; ang kaligtasan ko’y nagmumula sa kanya” (Salmo 62:1). “Sa Dios ko lang matatamo ang kapahingahan dahil binibigyan niya ako ng pag-asa” (62:5). Halos pareho lamang ang dalawang talatang ito, pero nasa magkaibang sitwasyon si Haring David nang sinabi niya ang mga ito. Ang una ay tumutukoy sa pagpapahayag ni David ng kanyang matibay na paniniwala na tanging sa Dios lamang niya matatagpuan ang kapahingahan. Ang ikalawa naman ay ang pagpapaalala sa kanyang sarili na kahit ano pa man ang mangyari, tanging sa Dios pa rin siya makatatagpo ng kapahingahan.
Natuto si David na magtiwala at lubusang sumunod sa kalooban ng Dios. Tinuturuan din naman tayong sumunod sa pagtawag ng Dios at maintindihan na “hindi ang kalooban ko ang masunod kundi ang kalooban ninyo” (Lucas 22:42). Ito ang una at pinakamataas na pagkatawag sa atin simula noong nagtiwala tayo sa Panginoon. “O Dios, nais kong sundin ang kalooban ninyo,” ang sabi ni David (Salmo 40:8).
Lagi tayong humingi ng tulong sa Dios, dahil binibigyan Niya tayo ng pag-asa (62:5). Kapag humingi tayo ng tulong, makikinig siya. Hindi hahayaan ng Dios na may mangyari sa atin na taliwas sa Kanyang kalooban.