Isang mahiyaing batang babae si Diet Eman na nakatira sa Netherlands. Mayroon siyang maayos na pamumuhay bago dumating ang mga Aleman na sumakop sa kanilang bansa. Isinulat ni Diet ang ganito: “Kapag may banta ng panganib sa inyong pintuan, parang gusto mo na lang maging kagaya ng ostrich at ibaon ang iyong ulo sa buhangin”. Ngunit, hindi maatim ni Diet na manahimik lamang dahil nararamdaman niyang tinatawag siya ng Dios upang labanan ang mga mananakop, kaya naman, naging sundalo siya ng Dios.
May kuwento rin sa Biblia ang gaya ng kay Diet na tinawag rin ng Dios ang isang taong walang kakayahan upang paglingkuran Siya. Nang nagpakita ang anghel ng Dios kay Gideon, sinabi nito, “Ikaw, magiting na sundalo, ang Panginoon ay sumasaiyo” (Hukom 6:12).
Sa totoo lang ay patago siyang naggigiik ng trigo para hindi makita ng mga Midianita na umaalipin at kumokontrol sa mga Israelita noong panahong iyon (Tal. 1-6,11). Mula siya sa “pinakamahina sa lahi ni Manase” at “pinakaaba sa pamilya namin.” (Tal. 15). Hindi kaagad sumunod si Gideon sa pinagagawa ng Dios, at humingi pa siya ng mga tanda. Subalit ginamit pa rin siya ng Dios upang talunin ang mga Midianita (Tingnan ang Kabanata 7).
Nakita ng Dios ang kagitingan ni Gideon. At kung paanong sinamahan ng Dios si Gideon, makakaasa rin tayong kasama natin siya. Tayong “mga minamahal niyang anak” (Efeso 5:1), binibigyan tayo ng Dios ng ating mga pangangailangan upang mabuhay at maglingkod sa Kanya.