Lumaki sa isang tribu sa Pilipinas si Ester na hindi naniniwala kay Cristo. Pero nagtiwala siya kay Jesus sa tulong ng kanyang tiyahin. Sa ngayon, nangunguna si Ester sa pag-aaral ng Biblia sa kanilang komunidad sa kabila ng banta ng karahasan at kamatayan. Sinabi ni Ester, “Walang sinuman ang makapipigil sa akin sa pagpapahayag ng tungkol kay Jesus dahil naranasan ko ang Kanyang kabutihan at katapatan sa aking buhay.”
Bahagi na rin ng paglilingkod sa Dios ang iba’t-ibang uri ng sitwasyon na nalalagay sa panganib ang buhay ng mga nagtitiwala kay Jesus. Isinalaysay naman sa Aklat ni Propeta Daniel kung paanong tumanggi sina Shadrac, Meshac at Abednego na sumamba sa gintong rebulto ng hari kahit pa malagay ang buhay nila sa panganib.
Sinabi pa nila na kahit pa nga hindi sila iligtas ay hinding- hindi pa rin sila sasamba o maglilingkod sa rebulto ng hari (Daniel 3:18). Noong ipinatapon na sila sa apoy upang sunugin, sinamahan mismo sila ng Dios (Tal. 25). Hindi akalain ng lahat na makaliligtas ang tatlo mula sa apoy. Nakita nilang hindi man lang sila napinsala ng apoy, ni hindi nag-amoy usok ang kanilang buhok o damit (Tal. 27).
Sa tuwing pinagmamalupitan tayo dahil sa ating pananampalataya kay Jesus, ang karanasan noon ng mga mananampalataya ang magpapaalala sa atin na kasama natin ang Espiritu ng Dios. Palalakasin Niya tayo at alalayan kapag pinili nating sundin ang kalooban Niya. Kahit na hindi mangyari ang mga bagay na inaasahan natin, alam naman natin na kumikilos ang Dios para tulungan tayo.