Noong 2018, labindalawang manlalaro ng soccer kasama ang kanilang coach ang namasyal sa isang kuweba. Subalit hindi nila inaasahang tumaas ang tubig sa kuweba, kaya nakulong sila dito nang mahigit sa dalawang linggo. Maraming sumubok na hanapin ang grupo sa pamamagitan ng paghahanap ng liwanag mula sa kanilang flashlight. Matapos nga ang maraming araw at gabi sa kadiliman, nakita rin ang aandap-andap nang liwanag mula sa natitirang anim na flashlight ng grupo.
Inilarawan ni Propeta Isaias ang matinding kadiliman, kung saan walang nakikita kundi kahirapan (Isaias 8:22). Aandap-andap ang liwanag na dala ng pag-asa sa gitna ng kadiliman. Subalit, sinigurado ni Isaias na hindi ito ang katapusan. Dahil sa kahabagan ng Dios, “darating ang araw na mawawala rin ang kadiliman sa lupaing nasa kahirapan” (9:1). Hindi kailanman iiwan ng Dios ang kanyang mga anak sa pagkasira. Ibinahagi ni Isaias ang pag-asang darating sa panahon ni Jesus kung kailan wawakasan niya ang kadilimang dulot ng kasalanan.
Dumating na si Jesus. At ngayon, may bago ng pakahulugan ang sinabi ni Isaias: “Nabubuhay sa kadiliman ang mga tao roon, ngunit makakakita sila ng matinding liwanag. Kahit nasa kadiliman sila at natatakot mamatay, maliliwanagan sila” (Tal. 2).
Kahit gaano kadilim ang gabi. Kahit gaano kahirap ang ating pinagdaraanan. Hindi kailan man niya tayo pababayaan sa dilim. Kasama natin si Jesus. Siya ang ating liwanag na nagniningning.