Inalala ni Sandra ang mga panahong magkasama sila ng kanyang lolo. Ikinuwento ni Sandra na sa tuwing pumupunta sila ng kanyang lolo sa tabing dagat, iniiwan ng kanyang lolo ang relo nito. Minsan, tinanong ni Sandra ang kanyang lolo kung bakit niya iyon ginagawa. Sinabi naman ng kanyang lolo na nais niyang ibigay buong panahon niya kay Sandra hanggang sa parang nakakalimutan na nila ang paglipas ng oras. Narinig ko ang kuwentong ito na ipinapahayag ni Sandra sa burol ng kanyang lolo. Ito raw ang pinakapaboritong tagpo sa buhay nilang maglolo. Habang pinagbubulayan ko ang paglalaan ng oras para sa mahal mo sa buhay, naalala ko ang sinabi sa Biblia tungkol sa pagmamahal ng Dios.
Laging naglalaan ng oras sa atin ang Dios. Kaya naman, nasabi ni Haring David sa kanyang panalangin, “Sapat ang Inyong ibinibigay at silaʼy lubos na nasisiyahan. Panginoon, matuwid Kayo sa lahat ng Inyong pamamaraan, at matapat sa lahat ng Inyong ginagawa. Kayoʼy malapit sa lahat ng tapat na tumatawag sa Inyo” (Salmo145:16-18).
Nararamdaman naman natin ang kabutihan at pagmamalasakit ng Dios sa araw-araw sa pamamagitan ng hangin na ating hinihinga at pagkain na ating ikinabubusog. Dakila ang Dios na ating Manlilikha at lubos ang Kanyang pagmamahal. Ipinakita naman Niya ito sa pamamagitan ng malikhain at kumplikadong pagkakalikha Niya sa ating buhay.
Walang hanggan ang pagmamahal ng Dios. Ang Kanyang kaawaan at kagandahang-loob ang nagbigay daan sa mga nagtitiwala kay Jesus upang maranasan nila ang walang hanggang buhay at kagalakan sa piling ng Dios. Parang nais sabihin sa atin ng Dios na “Lubos kitang minamahal at nais kitang makasama na parang hindi na natin namamalayan ang paglipas ng oras”.