Inilarawan ni Bill na aking kaibigan si Gerard na kanyang nakilala. Sinabi ni Bill, na lubhang napakalayo ni Gerard sa Dios sa matagal na panahon kung titingnan ang pamumuhay niya. Pero, matapos ipahayag ni Bill kay Gerard ang tungkol sa paraan ng kaligtasan na iniaalok ng Dios, nagtiwala si Gerard sa Panginoong Jesus. Umiiyak habang nagsisisi at nagpahayag ng pagtitiwala kay Jesus si Gerard. Pagkatapos noon, tinanong ni Bill si Gerard kung anong nararamdaman niya. Tumugon naman si Gerard . Sinabi nito, “Nilinis ako.”

Sinabi naman ni Apostol Pablo kung paano tayo nalalayo at nagiging madumi sa harap ng Dios sa pamamagitan ng ating pagsuway. Sinabi ni Pablo, “At ganyan nga ang ilan sa inyo noon. Ngunit nilinis na kayo sa inyong mga kasalanan at ibinukod na kayo ng Dios para maging Kanya; itinuring na kayong matuwid dahil sa Panginoong Jesu-Cristo at sa Espiritu ng ating Dios” (1 Corinto 6:11). Nilinis, ibinukod at itinuring na matuwid ang mga salitang naglalarawan sa mga taong sumampalataya sa Panginoong Jesus. Mga pinatawad at naging maayos ang relasyon sa Dios.

May karagdaragan pa si Pablo na kanyang sinabi noon kay Tito tungkol sa kaligtasan. Sinabi ni Pablo, “Ang Dios na ating Tagapagligtas, iniligtas Niya tayo, hindi dahil sa ating mabubuting gawa, kundi dahil sa Kanyang awa. Iniligtas Niya tayo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na naghugas sa atin at nagbigay ng bagong buhay” (Tito 3:4-5).

Ang ating mga kasalanan ang naglalayo sa atin sa Dios, pero sa pamamagitan ng pagtitiwala kay Jesus ligtas na tayo sa kaparusahan sa kasalanan (2 Corinto 5:17). Mayroon na rin tayong maayos na relasyon sa Dios Ama (Efeso 2:18) at nilinis na (1 Juan 1:7).