Noong sanggol pa lang si Maison nagkaroon siya ng problema sa pandinig. Walong buwan lang kasi siya noong ipinanganak dahil nabaril ang kanyang ina na si Lauryn. Kaya naman, matapos ikabit ang isang bagay sa tenga ni Maison muli siyang nakarinig. Sa unang pagkakataon ay narinig niya ang boses ng kanyang ina. Napaiyak si Lauryn sa himalang ito na nangyari. Sobrang liit lang kasi noon ni Maison ng ipananganak. Nasa ospital din siya sa loob ng 158 na araw at hindi nila inaasahan na mabubuhay siya lalo na ang makarinig pa ito.
Ang nakakaantig na kuwentong ito ang nagpaalala naman sa akin na naririnig tayo ng Dios. Taimtim noon ang dalangin ni Haring Solomon na pakinggan nawa siya ng Dios sa mabibigat na problema na kanyang kinahaharap. Ginagawa ito ni Solomon sa panahon na walang ulan na dumarating sa kanilang bansa (1 Hari 8:35), sa panahon ng taggutom, sakuna o epidemya (Tal. 37), sa panahon ng digmaan (Tal. 44) at sa panahon na nagkakasala siya. Taimtim ang pagsusumamo ni Solomon sa Dios upang dingging siya at magkaroon ng kasagutan ang kanilang dalangin (Tal. 45).
Tumutugon naman ang Dios sa ating mga dalangin ayon sa Kanyang kabutihan. Sinabi ng Dios, “Kung ang mga mamamayan Ko na Aking tinawag ay magpakumbaba, manalangin, dumulog sa Akin, at tumalikod sa ginagawa nilang kasamaan, diringgin Ko sila mula sa langit at patatawarin ang kanilang kasalanan, at pagpapalain Ko ulit ang kanilang lupain” (2 Cronica 7:14).
Maaaring mahirap ang pinagdaraanan natin ngayon. Alalahanin natin na kasama ni Jesus ang lahat ng nagtitiwala sa Kanya. At laging nakikinig ang Dios sa ating taimtim na dalangin at tumutugon Siya nang ayon sa Kanyang itinakdang panahon.