Noong pumasok na ang bunsong anak ko na si Xavier sa Kindergarten, sinimulan kong magbasa kami ng Biblia kasama ang iba ko pang anak. Hinikayat ko rin silang laging manalangin. Nakakatuwa naman ang ginagawang pagkakabisado ni Xavier ng mga talata sa Biblia. Sa panahon kasi na kailangan namin ng karunungan mula sa Dios para magdesisyon, nakakapagsabi siya ng mga talata na ayon sa ninanais ng Dios.
Minsan, nagalit ako at nakapagsalita ng masakit sa kanila. Pero niyakap ako ng aking anak at sinabi niya sa akin, “Mama, isabuhay mo ang iyong mga sinasabi sa amin”.
Ang sinabing ito ni Xavier ang nagpaalala naman sa akin sa sinabi ni Santiago na lingkod ng Dios. Maganda kasi ang payo ni Santiago sa mga sumasampalataya kay Jesus na kumalat sa lahat ng dako sa kanilang bansa noon (Santiago 1:1). Ipinaalala ni Santiago na malaki ang masamang epekto ng nagagawang kasalanan sa ating paglilingkod kay Jesus. Kaya naman, hinikayat sila ni Santiago na, “Talikuran nʼyo na ang lahat ng kasamaan at maruruming gawain, at tanggapin nang may pagpapakumbaba ang Salita ng Dios na itinanim sa inyong puso” (Tal. 21). Kung nakikinig tayo ng Salita ng Dios at hindi naman ito isinasapamuhay, para lamang tayong mga taong humarap sa salamin at pagkatapos ay nakalimutan na kung anong itsura natin (Tal. 23-24). Maaaring hindi rin natin mapansin ang mga pribilehiyo na ibinigay sa atin bilang mga iniligtas ni Jesus.
Kaya naman, tayong mga nagtitiwala kay Jesus ay mga inatasan na ipahayag sa iba ang Magandang Balita ng kaligtasan. Tutulungan at bibigyan tayo ng kakayahan ng Banal na Espiritu na magawa ito. Marami rin tayong mailalapit sa Dios sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mga ipinapahayag natin sa kanila.