Nakikipaglaban sa sakit na cancer si Carl. Kailangan niya ng bagong baga na maililipat sa kanyang katawan. Pero, hindi maganda ang pakiramdam ni Carl tungkol dito. Naiisip niya kasi habang nananalangin na kailangang may mamatay para mabuhay siya.
Ang katotohanang ito ay makikita rin naman sa Biblia. Ginagamit ng Dios ang kamatayan para bigyan tayo ng buhay. Makikita natin ito sa kuwento ng paglaya ng mga Israelita sa bansang Egipto. Dahil ayaw noon palayain ng Paraon ang mga inalipin na Israelita, ang Dios na mismo ang kumilos. Sinabi ng Dios na mamamatay ang lahat ng panganay na anak na lalaki sa lupain ng Egipto. Maliban nalang kung maglalagay ng dugo ng tupa na walang kapintasan sa bawat hamba ng pintuan ang mga tao (Exodus 12:6-7, 12-13).
Sa panahon naman natin ngayon, lahat tayo ay mga alipin ng kasalanan. Hindi tayo palalayain ni Satanas mula rito. Kaya naman, ang Dios na mismo ang kumilos para sa atin. Inialay Niya ang Kanyang perpektong Anak. Namatay si Jesus sa krus at nabuhos ang Kanyang dugo sa ikaliligtas ng lahat ng magtitiwala sa Kanya.
Hinihikayat naman tayo ni Jesus na magtiwala tayo sa Kanya. sinabi ni Apostol Pablo, “Namatay akong kasama ni Cristo sa krus. Hindi na ako ang nabubuhay sa aking sarili, kundi si Cristo na” (Galacia 2:20). Kung magtitiwala tayo kay Jesus, dapat mamatay na ang pagkatao natin na nagnanais na magkasala. At magkaroon ng bagong buhay na nakaayon sa kalooban ng Dios (Roma 6:4-5). Ipinapahayag natin ang pagtitiwalang ito sa Dios sa tuwing nagdedesisyon tayo na hindi gagawa ng kasalanan.