Minsan, habang nakaupo, nagbulay-bulay ako sa mga kabiguan at paghihirap na nakita ko sa ating mundo. Nakita ko ang isang anak na babae na humiwalay sa kanyang ina. Nakita ko rin ang pagmamahalan ng isang mag-asawa pero ngayon nawala na at napalitan na ng poot sa isa’t isa. Nakita ko ang pagnanais ng isang asawa na muling maayos ang relasyon sa kanyang asawa at mga anak. Ang mga taong ito ay lubhang nangangailangan ng pagmamahal at paghilom ng puso sa kanilang pinagdaraanan.
Kaya naman, parang napakabilis na mawalan ng pag-asa kapag tayo na mismo ang nakararanas ng ganitong kadilim na tagpo ng buhay. Napapaligiran kasi tayo ng mga taong ganito ang karanasan. Pero, ipinapaalala ng Banal na Espiritu sa mga nagtitiwala kay Jesus na dadamayan tayo ng Dios sa mga kabiguan at sakit na ating nararanasan (Juan 14:17). Nang naparito si Jesus at nagkatawang-tao, dinala Niya ang liwanag sa madilim nating mundo (1:4-5; 8:12). Malalaman natin ang katotohanang ito sa pag-uusap ni Jesus at ni Nicodemo na naliwanagan matapos ang kanilang pagkikita (3:1-2; 19:38-40).
Sinabi ni Jesus kay Nicodemo, “Ganito ang pag-ibig ng Dios sa mga tao sa sanlibutan: Ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16).
Gayon pa man, kahit ipinakita ni Jesus ang liwanag at ang Kanyang pagmamahal, marami pa rin ang taong namumuhay sa kadiliman dahil sa ginagawang kasalanan (Tal. 19-20). Kaya naman, bilang mga nagtitiwala kay Jesus, ipakita natin ang liwanag na ito sa iba. Idalangin natin sa Dios na bigyan Niya tayo ng kakayahan na maipahayag ang tungkol sa Kanyang pagliligtas at pagmamahal sa lahat (Mateo 5:14-16).