Minsan, pauwi na ang anak kong si Geoff galing sa isang tindahan nang may makita siyang saklay na naiwan sa daan. Iniisip niya na sana walang tao na nangangailangan ng tulong. Pero pagtingin niya sa tabi ng isang gusali, nakita niya ang nakahandusay na palaboy. Nilapitan ito ni Geoff at tinanong kung maayos ang kalagayan nito. Pero tumugon ito na nais na raw niyang mamatay. Nasira kasi ng malakas na bagyo ang camping tent na kanyang nagsisilbing tirahan. At nawala ang lahat sa kanya.
Tinawagan ni Geoff ang isang organisasyon kung saan ang mga nagtitiwala kay Jesus ang namamahala para tulungan ang taong iyon. Kaya habang naghihintay, umuwi muna si Geoff at kinuha ang sariling camping tent nito para ibigay sa lalaking palaboy. Tinanong din ni Geoff ang pangalan ng palaboy. Sumagot naman ito na Geoffry ang pangalan. Sinabi ni Geoff sa akin ang nangyari at naisip niya na maaaring maging ganoon din mismo ang naging kalagayan niya tulad sa palaboy.
Nalulong din kasi si Geoff sa ipinagbabawal na gamot. Kaya naman, tinulungan niya ang palaboy dahil siya mismo ay nakatanggap ng tulong mula sa Dios. May sinabi naman si Propeta Isaias tungkol sa kabutihan at kahabagan ng Dios sa mga taong naliligaw ng landas dahil sa kanilang nagawang kasalanan. “Tayong lahat ay parang mga tupang naligaw. Bawat isa sa atin ay gumawa ng nais nating gawin. Pero Siya ang pinarusahan ng Panginoon ng parusang dapat sana ay para sa ating lahat” (Isaias 53:6).
Hindi iiwan ni pababayaang mag-isa ng ating Tagapagligtas na si Jesus ang sumasampalataya sa Kanya. Dadamayan Niya tayo upang hindi tayo mamamuhay sa kawalan ng pag-asa. Pinili ni Jesus na maging bahagi ang mga nagtitiwala sa Kanya sa pamilya ng Dios. At mararanasan natin ang lakas ng loob sa pamamagitan ng Kanyang pagmamahal. Napakagandang regalo ito ng Dios sa lahat ng mananampalataya.