Minsan, tinanong ang isang lalaki kung paano siya naging mahusay na manunulat. Tumugon ito sa pagkukuwento tungkol sa ginagawa ng kanyang ina na pagpupursigi na matuto. Ikinuwento pa niya na noon ay laging nangongolekta ang kanyang ina ng mga dyaryo na naiwan sa tren at ibinibigay ito sa kanya. Habang masaya siya sa pagbabasa ng tungkol sa sports, nagkaroon din ang lalaki ng pagnanais na mabasa pa ang tungkol sa nangyayari sa mundo. Hanggang lumawak na ang kanyang natutunan at lalo pa siyang naging interesadong matuto.
Mausisa at laging may pagnanais na matuto ang mga bata. Kaya naman, malaki ang magiging epekto sa buhay nila kung ating ipapakilala ang Biblia. Mamamangha sila sa ginawa ng Dios at sa Kanyang mga pangako. Mananabik din silang subaybayan ang mga kuwento ng mahuhusay na ginawa ng mga lingkod ng Dios. Habang lumalalim ang kanilang nalalaman sa Biblia, unti-unti na rin nilang natututunan ang tungkol sa kaparusahan sa kasalanan at sa kapatawaran na kailangan natin.
Mararanasan din nila ang kagalakan ng pagtitiwala sa Dios. Ang unang kabanata ng Aklat ng Kawikaan ay nagpapahayag ng tungkol sa karunungan na nagmumula sa Dios (1:1-7). Ang karunungan na malalaman dito ay pagkaunawa sa pagharap sa mga nangyayari sa ating buhay.
Makakatulong naman sa atin ang kagustuhan nating matuto sa Salita ng Dios upang tumatag ang ating pananampalataya sa Dios. At ang matagal nang mananampalataya ay patuloy pa ring mapupuno ng karunungan habang namumuhay sila kasama ang Dios. Sinabi sa Kawikaan 1:5, “Sa pakikinig nito, ang marunong ay lalong magiging marunong at ang may pinag-aralan ay magiging dalubhasa.” Hindi hihinto ang Dios na turuan at gabayan tayo sa ating pamumuhay kung patuloy tayong magtitiwala sa Kanya.