Inilaan ng bilyonaryong negosyante ang natitirang mga taon sa kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanyang kayamanan sa iba. Tumulong siya sa pangangailangan ng mga taga Hilagang Ireland para magkaroon ng kapayapaan sa kanilang bansa. Tumulong din siya para mapaunlad ang sistema ng kalusugan sa bansang Vietnam.
At bago siya mamatay, nagbigay siya ng 350 milyong dolyar para mapagawa ang isang lugar sa New York upang maging lugar ito kung saan nililinang ang teknolohiya ng kanilang lugar. Sinabi ng bilyonaryong lalaki, “Naniniwala ako na masayang magbigay sa panahong nabubuhay ka pa kaysa sa panahong patay ka na.” Napakagandang katangian ang pagbibigay. Lalo na kung ginagawa mo ito nang buhay ka pa.
Malalaman naman natin sa isinulat ni Apostol Juan ang tungkol sa ating ginagawa habang nabubuhay pa tayo. Pinagaling noon ni Jesus ang lalaking bulag mula pa noong isilang siya. Nagtanungan naman noon ang mga alagad ni Jesus kung sino ang may kasalanan kung bakit ganoon ang kalagayan ng bulag na lalaki (Juan 9:2). Sumagot naman si Jesus sa kanilang mga tanong. Sinabi ni Jesus, “Hindi siya ipinanganak na bulag dahil nagkasala siya o ang mga magulang niya. Nangyari iyon para maipakita ang kapangyarihan ng Dios sa pamamagitan ng pagpapagaling sa kanya. Hindi baʼt nagtatrabaho ang tao sa araw dahil hindi na siya makakapagtrabaho sa gabi?
Kaya dapat gawin na natin ang mga ipinapagawa ng Dios na nagpadala sa Akin habang magagawa pa natin” (Tal. 3-4). Maaaring magkaiba ang ginagawa natin sa ginawang himala ni Jesus noon, pero ang pagbibigay ng ating sarili sa ating paglilingkod sa Dios ay nagbibigay sa Dios ng kaluwalhatian. Kaya naman, naipapahayag ang kabutihan ng Dios sa ating pagbibigay ng oras, pera, at lakas sa iba.