Pumikit ako at nagsimulang magbilang para makatago na ang aking mga kaibigan. Naglalaro kasi kami ng tagu-taguan sa aming bahay. Makalipas ang ilang minuto pero pakiramdam ko ay isang oras na ata ang lumipas, hindi ko pa rin makita ang isa kong kaibigan. Hinanap ko na siya kung saan-saan pero hindi ko siya makita. Natawa ako ng lumabas siya sa kanyang pinagtataguan. Nandoon lang pala siya mula sa simula sa madaling makita. Tanging ang mukha lang niya ang natatakpan ng halaman na nasa loob ng bahay at ang buong katawan niya ay kitang-kita.
Kitang-kita naman ng Dios sina Adan at Eba noon kahit nagtatago pa sila sa Hardin ng Eden (Genesis 3:8). Nagtatago sila hindi dahil naglalaro sila kundi sumuway sila sa Dios. Nahihiya sila dahil kinain nila ang ipinagbabawal ng Dios na kainin nila.
Nagkasala sina Adan at Eba sa Dios noong sumuway sila sa utos. Gayon pa man, hindi nagalit ang Dios sa halip nagtanong ang Dios kung nasaan sila (Tal. 9). Nagtanong ang Dios hindi dahil sa hindi Niya alam kung nasaan sina Adan at Eba. Nagtanong Siya para ipaalam sa kanila na nag-aalala ang Dios kanila Adan at Eba.
Hindi ko nakita kung saan nagtatago ang aking kaibigan. Pero sa harap ng Dios ang lahat ay lantad at walang sinuman ang makakapagtago sa Kanyang paningin. Kaya, kung paanong hinanap ng Dios ang nagkasalang sina Adan at Eba noon, hinahanap din tayo ni Jesus para iligtas sa kaparusahan sa kasalanan. “Ipinakita ng Dios sa atin ang Kanyang pag-ibig sa ganitong paraan: Kahit noong tayoʼy makasalanan pa, namatay si Cristo para sa atin (Roma 5:8). Hindi na natin kailangan pang magtago.