Noong nauso ang mga online class, madalas na sinasabi ng mga guro sa pagtatapos ng klase ay “Kita tayong muli” o kaya “Maraming salamat, ingat kayong lahat.” Tumutugon naman ang mga estudyante sa pagsasabi na, “Maraming salamat po, ingat din kayo.” Pero minsan, iba ang sinabi ng isang estudyante sa klase. Sinabi nito, “Mahal ko po kayo .” Sumagot naman ang guro, “Mahal din kita”.
Nang gabi ring iyon, nag-usap-usap ang buong klase na ang itutugon nila sa susunod ay "Mahal Kita". Kaya naman, matapos ang klase at nagpaalam na ang guro, sabay-sabay na nagsabi ng "Mahal Kita" ang buong klase. Ginawa nila ito sa loob ng maraming buwan. Naging maganda at matatag ang relasyon ng mga estudyante sa kanilang guro na parang isang pamilya.
Sa Biblia naman, marami ring paraan ang pamilya ng Dios kung paano nila ipinahayag na minamahal nila ang isa’t isa at ang pagmamahal ng Dios. Maganda ang isinulat ni Apostol Juan tungkol dito sa 1 Juan 4:10-21: Inialay ng Dios ang Kanyang Anak upang iligas tayo sa kaparusahan sa kasalanan (Tal. 10). Ipinadala Niya sa atin ang Banal na Espiritu upang ang sinumang sasampalataya kay Jesus ay pananahanan Niya (Tal. 13,15). Laging mapagtitiwalaan ang pag-ibig ng Dios (Tal. 16). At hindi na natin kailangan pang katakutan ang parusa dahil may maayos na tayong relasyon sa Dios (Tal. 17). Magagawa na rin nating mahalin ang Dios at ang iba dahil una tayong minahal ng Dios (Tal. 19).
Kaya naman, sa susunod na magkatipon kayo kasama ang ibang mga mananampalataya, maglaan kayo ng oras upang ipaalam kung paano niyo nararanasan ang pagmamahal ng Dios. Magbibigay ito ng kaluwalhatian sa Dios at lalong tatatag ang inyong relasyon bilang mga iniligtas ni Jesus.