Naging sikat na pinuno noon si Abd Al-Rahman III ng Cordoba sa bansang Espanya. Matapos siyang mamuno nang may katagumpayan sa loob ng 50 taon, nagbulay-bulay siya sa kanyang mga nagawa sa buhay. Ang kayamanan raw, karangalan, kapangyarihan at kaaliwan ay madaling mapasakanya. Pero kung bibilangin niya raw ang mga araw na naging tunay siyang masaya ay mga 14 na araw lamang iyon. Nakakalungkot ito.
Isa ring mayaman at marangal ang sumulat ng Aklat ng Mangangaral (2:7-9). Makapangyarihan at hawak-kamay niya lang ang gusto niyang kaaliwan (1:12; 2:1-3). Nakakalungkot din ang pagsusuri niya sa buhay. Napagtanto niya na ang kayamanan ay maaaring humantong sa paghahangad pa ng mas marami (5:10-11). Habang kakaunti lang ang ating magagawa kung lagi lang tayong nag-aaliw (2:1-2).
Sinabi pa niya na ang tagumpay na ating nararanasan ay laging nakabase lang sa ating kakayahan (9:11). Ang tunay na pagtitiwala sa Dios ang siyang pinagmumulan ng ating kasiyahan. Napansin ng Mangangaral na tunay tayong magiging masaya sa ating kinakain, iniinom o anumang ginagawa kung ginagawa natin ito ayon sa kalooban ng Dios (2:25; 3:12-13).
Naalala ko ang huling sinabi ni al Rahman, na huwag daw natin ipagkatiwala sa mundong ito ang ating kasiyahan. Sasang-ayon din ang Mangangaral sa sinabing ito ni al Rahman. Nilikha kasi tayo para sa walang hanggang kaluwalhatian ng Dios (3:11). Kung magtitiwala tayo sa Dios, lagi natin Siyang kasama at laging may tunay na kasiyahan sa piling Niya anuman ang iyong kalagayan.