Minsan, nagsuntukan ang dalawang matanda. Parehas silang 73 taong gulang at parehas na manlalaro ng football noon. Mayroon silang sama nang loob sa isa’t isa. Pero pagkatapos matumba ng isa, sumigaw ang mga tao sa paligid na magbati na sila at magpatawaran sa isa’t isa.
Marami rin namang mga kuwento sa Biblia kung saan nagtanim ng galit sa isa’t isa ang mga ito. Halimbawa nito sina Cain at Abel. Nagtanim ng galit si Cain kay Abel dahil ang inialay ni Abel ang tinanggap ng Dios (Genesis 4:4-5). Matindi ang naging bunga ng galit na ito. Humantong ito sa pagpatay ni Cain sa kanyang kapatid na si Abel (Tal. 8).
Nagtanim din galit si Esau sa kanyang kapatid na si Jacob dahil ninakaw nito ang karapatan niya bilang panganay (27:41). Matindi rin ang naging bunga nito dahil kinailangang tumakas ni Jacob dahil papatayin siya ng kanyang kapatid.
Hindi lang ipinapaalam sa atin ng Biblia ang tungkol sa kuwento ng mga bunga ng pagtatanim ng galit sa iba. Sa halip, pinapaalalahanan tayo nito na kailangan tayong matutong magpatawad at makipag-ayos sa iba. Hinihikayat tayo ng Dios na mahalin ang isa’t isa (Leviticus 19:18). Hinihikayat din Niya tayong idalangin at patawarin ang mga taong nakasakit sa atin (Mateo 5:43-47). Mamuhay tayo nang may kapayapaan kasama ng iba at hayaan natin sa Dios ang pagganti (Roma 12:18-21). Sa tulong at kapangyarihan ng Dios, magagawa nating mawala ang anumang naitanim na galit sa iba at mapalitan ito ng kapatawaran.