Malapit na po ba tayo? Malapit na ba? Wala pa ba? Paulit-ulit na tanong ng anak ko sa akin noong bumiyahe kami ng 16 oras papunta sa Arkansas mula sa Colorado sa bansang Amerika. Kung babayaran lang nila ako sa bawat pagsagot ko sa tanong nila, malamang marami na akong naipong pera.
Gayon pa man, bilang drayber nila ang lagi kong sagot, “Malayo pa pero maghintay lang kayo at makakarating din tayo”.
Hindi lang naman mga bata ang mahilig magtanong ng ganoon, maging tayong mga matatanda na. Lalo na kapag nakakaramdam na tayo ng pagod o sobrang naiinip. At sa iba naman ang mga mataʼy namumugto na sa kaiiyak (Salmo 6:7). Sobrang pagod na sa mabibigat na problema (Tal. 6) na dumarating sa buhay. Problema sa trabaho, pamilya, kalusugan, relasyon at iba pa. Mapapasigaw ka na lang talaga, “Panginoon, kailan po ba ito matatapos?”
Alam ng sumulat ng Salmo ang pinagdaraanan nating lahat. Kaya nga, siya na mismo ang nagsabi at nagtanong nito sa Dios. Tulad naman ng isang magulang, pinakinggan ng Dios si Haring David sa kanyang dalangin at tinugon ito (Tal. 9). Hindi nakakahiya ang pagtatanong. Kaya naman, makakalapit tayo sa Dios nang may buong pagtitiwala sa Kanya. Iiyak natin sa Kanya ang lahat ng ating alalahanin. Maaaring ang sagot ng Dios, “Maghintay ka lang, darating din ang tugon. Magtiwala ka lang sa Akin.”