Minsan, lumuluha habang humihingi ng tawad si Karen sa grupo ng kalalakihan mula sa kapulungan ng mga nagtitiwala kay Jesus. Balo na kasi si Karen at mag-isa niyang tinataguyod ang kanyang mga anak. Kaya naman, nang mag- alok ng tulong ang mga kalalakihan na ito para makapagpahinga siya, naiyak siya sa labis na pasasalamat. At humihingi siya ng pasensya dahil hindi niya mapigilang umiyak.
Bakit maraming tao ang humihingi ng pasensiya sa tuwing naiiyak sila dahil sa labis na pasasalamat? May tagpo naman sa Biblia na umiyak din ang isang babae dahil sa kanyang lubos na pagmamahal kay Jesus. Inimbitahan noon ni Simon na isang pariseo si Jesus para kumain sa bahay niya. Habang nandoon, may isang babae na kilala sa kanyang masamang pamumuhay ang nagpunta kay Jesus. May dala rin itong sisidlan na puno ng pabango. “Lumapit siya sa likuran ni Jesus sa bandang paanan. Doon ay umiyak ang babae at tumulo ang luha niya sa paa ni Jesus. Pagkatapos, pinunasan niya ito ng kanyang buhok, hinalikan at binuhusan ng pabango” (Lucas 7:38). Hindi mapigilan ng babae ang kanyang pagluha na nagpapahayag ng kanyang pasasalamat at pagmamahal kay Jesus. Malayo ito sa malamig na pagtanggap ng nag-imbita mismo kay Jesus.
Ano ang naging tugon ni Jesus sa ginawa ng babae? Pinuri ni Jesus ang pagmamahal ng babae sa Kanya. Sinabi pa ni Jesus sa babae na pinatawad na ang kanyang kasalanan (Tal. 44-48).
Maaaring mapigilan natin ang luha sa pagtulo nito sa tuwing gusto nitong bumuhos. Pero bilang mga nilikha ng Dios na may emosyon, huwag natin itong pigilan. Tulad ng babae, hayaan nating tumulo ang luhang nagsusumigaw ng pasasalamat sa Dios.