Minsan, nakasakay si Dan sa kanyang motorsiklo nang may isang kotseng sumagi sa kanya. Kaya naman, naaksidente siya. Makalipas ang dalawang linggo, nagising siya sa ospital. Nagkaroon ng pinsala sa kanyang spinal cord na naging sanhi para maging paralitiko siya. Nanalangin si Dan para sa kanyang paggaling, ngunit hindi ito nangyari.
Sa kabila nito, naniniwala pa rin siya na paraan lamang ito ng Dios upang itinuro sa kanya na “layunin ng ating buhay na magkaroon tayo ng magagandang katangian ni Cristo. Nakakalungkot lang dahil hindi natin iyon makita sa panahong maayos at masaya tayo sa buhay. Madalas, nangyayari ito sa panahon na humaharap tayo sa matitinding pagsubok sa buhay. Kaya naman, natututunan nating magtiwala sa Dios at patuloy na dumalangin sa Kanya sa araw-araw.”
Ipinaliwanag naman ni Apostol Pablo na “nagagalak tayo kahit na dumaranas tayo ng mga paghihirap, dahil natututo tayong magtiis. Alam natin na ang pagtitiis ay nagpapabuti sa ating pagkatao. At kung mabuti ang ating pagkatao, may pag-asa tayo” (Roma 5:3-4). Dahil ito sa pagkakaroon natin ng magandang relasyon sa Dios. Sa ating pagtitiwala sa Dios na hindi Niya tayo kailanman pababayaan, bagkus lagi Niya tayong sasamahan sa lahat ng panahon.
Sinasamahan tayo ng Dios sa ating mga paghihirap at tinutulungan Niya tayong tumatag ang pananampalataya sa Kanya. Kaya, sa halip na ituring nating pahirap lamang sa atin ang mga ito, gawin natin itong pagkakataon para tumibay ang pananampalataya sa Dios. Nawa’y tumulad tayo kay Dan at isipin din natin na paraan lamang ito ng Dios para patatagin ang ating pagkatao. Habang nararanasan natin ang Kanyang pagmamahal na “ibinuhos na sa ating mga puso” (Tal. 5).