Mayroong dalawang matandang 80 taong gulang na at parehong namatay na ang kanilang mga asawa. Nakatira ang isa sa bansang Germany, ang isa naman ay sa bansang Denmark. Pareho ring nakatira sila malapit sa hangganan ng kanilang mga bansa. Kaya naman, 15 minuto lang ang layo ng kanilang bahay sa isa’t isa. Makikita sa dalawang matanda na nagmamahalan sila.
Pero, noong 2020, panahon ng coronavirus, ipagbawal ng Denmark ang pagpasok ng sinuman sa kanilang bansa. Gayon pa man, hindi sila napigilan nito. Araw-araw, pa rin silang nagkikita sa hangganan ng kani-kanilang bansa para mag-picnic. Sinabi ng dalawang matanda nang minsan silang kapanayamin, “Nandito kami dahil minamahal namin ang isa’t isa.” Ang kanilang pag-iibigan ay hindi mapipigilan ng pandemya na nagpapakita ng kapangyarihan ng pag-ibig.
Mababasa din natin sa Awit ng mga Awit ang ganitong pagpapakita ng pag-ibig nina lolo at lola. Sinabi dito ni Haring Solomon, “Makapangyarihan ang pag-ibig gaya ng kamatayan” (8:6). Ngunit walang sinuman sa atin ang makakatakas sa kamatayan, darating ito. Gayunpaman ang pag-ibig, tulad ng sinabi ng sumulat ay talagang makapangyarihan. Ano pa ang masasabi natin tungkol sa pag-ibig? “Ang pag-ibig ay parang lumiliyab at lumalagablab na apoy” (Tal. 6). Nakakita ka na ba ng sumabog o nagngangalit na apoy? Parang apoy ang pag-ibig ay mahirap pigilin. “Hindi kayang patayin ng maraming tubig ang pag-ibig” (Tal. 7 ABAB).
Maaari namang makita sa pag-ibig ng tao ang katangian ng pag-ibig na hindi makasarili at tapat. Gayunpaman, tanging ang Dios lamang ang nakapagbibigay sa atin ng walang kasing lalim at makapangyarihang kahulugan ng pag-ibig. Ang nakamamanghang katotohanan ay iniibig ng Dios ang bawat isa sa atin.