Sinabi ng gurong si Hannah Schell sa kanyang isinulat kung paano maging mahusay na tagapagturo. Ayon sa kanya, kailangang nakakahamon, nakapagpapalakas ng loob ng tao ang iyong pagtuturo. Ang pinakamahalaga rin daw ang makita mo ang totoong pagkatao nila. Mahalaga kasi sa tao, ang makita, makilala, at pagkatiwalaan siya.
Sa Bagong Tipan naman ng Biblia, mababasa natin ang tungkol kay Bernabe na lingkod ng Dios. Anak ng Nakapagpapalakas ng loob ang kahulugan ng kanyang pangalan. May kakayahan si Bernabe na makita ang tunay na kalooban ng mga nakapaligid sa kanya. Kaya naman sa Gawa 9, binigyan niya ng pagkakataon si Saulo, na ipakitang nagbago na ito. Dati kasing pinagpapamalupitan ni Saulo na tinatawag ding Pablo (13:9) ang mga sumasampalataya kay Jesus (8:3). Kaya, hindi nilalapitan ng mga mananampalataya si Saulo dahil “takot sila sa kanya at hindi sila naniniwala na siyaʼy tagasunod na rin ni Jesus” (9:26).
Hindi nagtagal, nagkaroon ng pagtatalo sina Pablo at Bernabe, dahil ayaw isama ni Pablo si Marcos sa kanilang pagbisita sa mga bayan kung saan ay magpapahayag sila ng Salita ng Dios (15:36). Iniwan kasi sila noon ni Marcos noong panahong nagpapahayag sila ng Magandang Balita. Pero gayon pa man, humingi rin ng tulong si Pablo kay Marcos: “Isama mo na rin si Marcos sa pagpunta mo rito dahil malaki ang maitutulong niya sa mga gawain ko” (2 Timoteo 4:11).
Naglaan ng oras si Bernabe upang “makita” sina Pablo at Marcos. Marahil tulad ni Bernabe nakikita natin ang kakayahan ng iba o baka tayo ang may kailangan ng tagapagturong ukol sa buhay espirituwal.