Minsan, nagkaroon kami ng pagkakataon na makapaglibot at makita ang mga pandigmang eroplano ng aming bansa. Sinabi ng isang piloto na kailangan raw ng eroplano ng 56 kilometro kada oras na lakas ng hangin para makalipad ito sa himpapawid. Tinanong ko siya, “Hindi ba dapat nasa likuran ng eroplano ang hangin?” Sumagot ang piloto, “Hindi. Kailangan talagang lumipad ng mga eroplano sa hangin. Ito lang ang paraan para umangat at makalipad ito.”
Tinawag naman ng Dios si Josue upang pangunahan ang mga Israelita, papunta sa lupang ipinangako Niya. Dalawang bagay ang dapat gawin ni Josue. Una, kailangang “magpakatatag ka lang at magpakatapang” (Josue 1:7), at pangalawa; kailangan niya ng hamon sa araw-araw. Kasama na dito, ang pangunahan ang libu-libong Israelita, gibain ang mga pader ng lungsod (6:1-5), nakakalungkot na pagkatalo (7:3-5), pagnanakaw ni Acan (Tal. 16-26), at ang patuloy na labanan (Kabanata 10-11).
Ang “hanging” umiihip naman sa mukha ni Josue ang nagpapaangat sa kanya habang sinusunod niya ang utos ng Dios. Sinabi sa kanya ng Dios, “Sundin mong mabuti ang lahat ng kautusan na ibinigay sa iyo...Huwag mong kalimutang basahin ang Aklat ng Kautusan. Pagbulay-bulayan mo ito araw at gabi para malaman mo nang mabuti ang lahat ng nakasulat dito. Kung gagawin mo ito, uunlad ka at magtatagumpay” (1:7-8).
Buo ba ang loob mong sundin ang utos ng Dios sa iyo anuman ang mangyari? Kung gayon, huwag matakot na harapin ang mga hamon sa buhay. Lubos tayong magtiwala sa Dios.