Hindi natutong bumasa at sumulat si Harriet Tubman. Dahil habang nagdadalaga, nagtamo siya ng sugat sa ulo, na gawa ng kanyang malupit na amo. Ang sugat na ito ang dahilan ng kanyang mga sumpong at palaging pagkawala ng malay habang buhay. Ngunit, noong makalaya siya sa pagiging alipin, kumilos ang Dios sa buhay niya upang mailigtas ang halos tatlong daang katao.
Binansagan namang “Moises” si Harriet ng mga taong kanyang iniligtas. Buong tapang na naglakbay si Harriet ng labinsiyam na ulit upang iligtas ang iba. Nagpatuloy siya kahit na nasa panganib ang buhay niya. Bilang isang tapat na nagtitiwala kay Jesus, may dala siyang Biblia sa bawat paglalakbay at ipinabasa sa iba ang mga talata. Sinabi pa ni Harriet na “Nagdadasal ako sa lahat ng oras tungkol sa aking trabaho, kahit saan; palagi akong nakikipag- usap sa Dios.”
Palagi siyang nagpapasalamat sa Dios kahit na sa pinakamaliit niyang natamong tagumpay. Ipinapakita ng buhay ni Harriet ang sinabi ni Apostol Pablo para sa mga naunang Cristiano: “Lagi kayong magalak, laging manalangin, at magpasalamat kayo kahit ano ang mangyari, dahil ito ang kalooban ng Dios para sa inyo na mga nakay Cristo Jesus (1 Tesalonica 5:16-18).
Sa sandaling ito, kung magtitiwala tayo sa Dios, mananalangin, at papupurihan pa rin Siya sa kabila ng ating mga pinoproblema, bibigyan Niya tayo ng lakas upang magawa ang nais Niya. Dakila ang ating Tagapagligtas sa kahit anuman, at aakayin Niya tayo patungo sa Kanya.