Ipinanganak na walang mga binti si Jen at inabandona sa isang ospital. Kaya naman, isang pagpapala para sa kanya ang pag- ampon sa kanya. Tinulungan din siya ng bagong pamilya niya na makitang “ipinanganak siya ng ganito para sa isang dahilan.” Pinalaki nila siya na huwag magsabi ng “hindi puwede.” Hinikayat din nila siya upang maging isang magaling na akrobat at aerialist! Hinaharap niya ang mga pagsubok ng tanong na “Paano ko ito haharapin?” Hinihikayat niya ang iba na gawin din iyon.
Marami naman tayong mababasa sa Biblia na mga kuwento tungkol sa mga taong tinawag ng Dios na tila walang kakayahan o hindi angkop para sa kanila ang ipinapagawa ng Dios. Isa na rito si Moises. Nang tawagin kasi siya ng Dios upang pamunuan ang mga Israelita palabas ng Ehipto, tumanggi siya (Exodus 3:11; 4:1) at tumutol, “Hindi po ako magaling magsalita.” Sumagot ang Dios, “Sino ba ang gumawa ng bibig ng tao? Sino ba ang may kakayahang gawing bingi o pipi?... Hindi ba Ako, ang Panginoon? Kaya lumakad ka, dahil tutulungan kita sa pagsasalita at ituturo Ko sa iyo ang mga sasabihin mo” (4:10-12).
Noong tumutol pa rin si Moises, ipinadala ng Dios si Aaron upang magsalita at tiniyak sa kanya na tutulungan Niya sila (Tal. 13-15).
Tulad nina Jen at Moises, may layunin ang buhay natin. At sa kagandahang-loob ng Dios ay tutulungan Niya tayong magawa natin ang layuning iyon. Ipapadala Niya ang taong makakatulong sa atin at ipagkakaloob ang kailangan natin para makapamuhay tayo nang ayon sa nais ng Dios.