Pasinghot-singhot ang ilong ng dormouse na isang uri ng daga. Naaamoy kasi nito ang lagayan ng pagkain ng mga ibon. Inakyat ng daga ang lagayan, pumasok sa pinto nito at kumain ng kumain buong gabi. Kinaumagahan, nalaman nito ang mali niyang nagawa. Dahil sa dami ng kinain, dumoble ang laki niya. Hindi na siya tuloy makalabas ng pinto. Kaya, nakulong ito sa loob at natutuka na ng mga ibon sa tuwing kakain sila.
Maaari naman tayong ihatid ng mga pintuan sa mga magagandang lugar at gayundin sa kapahamakan. Mababasa naman natin sa Kawikaan 5 ang tungkol sa payo ni Haring Solomon tungkol sa isang pintong dapat iwasan upang hindi matukso sa tawag ng laman.
Nakakaakit na magpadala sa tukso, ngunit kapahamakan ang dulot nito kung ipagpapatuloy (5:3-6). Lumayo dito ang tamang gawain, dahil kung papasok ka sa pintong ito mahihirapan ka ng makalabas. Masisira pa ang iyong dangal at ang kayamanan mo’y mapupunta sa iba (Tal. 7-11). Pinayuhan tayo ni Solomon na “maging maligaya ka sa iyong asawa” nang sa gayon hindi ka matukso (Tal. 15-20). Hindi lamang sa tukso natin maaaring gamitin ang payo ni Solomon, kundi maging sa lahat ng uri ng kasalanan (Tal. 21-23). Matutulungan naman tayo ng Dios sa kung anumang pinto ng tukso ang nais nating iwasan upang hindi tayo makulong dito.
Marahil, napakasaya ng dormouse nang makita siya ng may-ari ng pakainan at palayain siya mula rito. Magpasalamat din tayo dahil laging handa ang Dios na palayain ang sinumang makukulong sa tukso. Pero, humingi na tayo sa Dios ng kakayahan upang maiwasan ang mga pintong magkukulong sa atin.