Isang malakas na lindol ang naramdaman sa Alaska, noong 1964. Tumagal ang lindol ng apat na minuto, nagtala din ito ng 9.2 na lakas. Sa Anchorage na isang bayan sa Alaska, malaking bahagi ng bayan ang nawala, nag-iwan ito ng malalaking butas sa lupa. Sa gitna ng kaguluhan, patuloy na ibinalita ng taga-ulat na si Genie Chance ang mga kaganapan. Para sa mga taong naghihintay ng balita sa kanilang mga radyo, tungkol sa kanilang mga mahal sa buhay.
Narinig ng isang lalaki na buhay ang kanyang asawa; narinig din ng mga nag-aalalang magulang na maayos ang kalagayan ng kanilang mga anak na nasa camping; narinig ng mag-asawa na natagpuan na ang kanilang mga anak. Naghatid ito ng magandang balita, lubos na kasiyahan sa gitna ng kaguluhan.
Lubos na kasiyahan din ang naramdaman ng mga Israelita nang marinig nila ang sinabi ni Propeta Isaias noon. Sinabi ni Isaias, “Hinirang Niya ako na mangaral ng Magandang Balita sa mga mahihirap” (61:1). Magandang balita ang sinabi ni Isaias para sa kanila sa sandaling iyon, dahil magulo at tila nawala na sa kanila ang lahat. Nais ng Dios na “magpagaling ng mga bagbag na puso, magpahayag ng kalayaan sa mga bihag,...Kanilang itatayong muli ang mga sinaunang naguho at ibabangon ang mga dating giba” (Tal. 1, 4 ABAB). Sa gitna ng kanilang paghihirap, narinig ng mga tao ang katiyakan ng pangako ng Dios, ang Kanyang Magandang Balita.
Sa panahon ngayon, ang kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus ang siyang dahilan kung bakit naririnig natin ang Magandang Balita. Sa kabila ng ating mga takot, kalungkutan at kabiguan, si Jesus ang naghatid sa atin ng Magandang Balita.