Gaya ng pagkalas ng lubid, isa-isang napatid ang mga hibla ng buhay ni Doug Merkey. Sinabi ni Doug, “Natalo ang nanay ko sa matagal niyang laban sa cancer; nabigo ang relasyon ko; naubos ang pera ko at baka matanggal ako sa trabaho. Nakapanghihina at parang di-malampasan ang emosyonal at espirituwal na dilim sa palibot ko,” sabi ng pastor at mang-uukit.
Ang mga nangyaring ito, sinamahan ng pagtira sa isang masikip na attic, ganito ang sitwasyon noong gawin niya ang isang obra na The Hiding Place. Inilalarawan niyon ang butas sa kamay ni Cristo, magkasamang nakalahad bilang isang lugar na ligtas.
Ipinaliwanag ni Doug ang obra niya sa ganitong paraan: “Ito ay imbitasyon ni Cristo para kumubli tayo sa Kanya.” Sa Salmo 32, sumulat si David bilang isang nakahanap ng pinakaligtas na lugar—ang Dios mismo. Inalok Niya tayo ng kapatawaran sa kasalanan natin (Tal. 1-5) at inudyukan Niya tayong manalangin sa gitna ng pighati (Tal. 6). Sa talata 7, ipinahayag ng mang-aawit ang pagtitiwala niya sa Dios: “Kayo ang aking kublihan; iniingatan Nʼyo ako sa oras ng kaguluhan, at pinalilibutan N'yo ako ng mga awit ng kaligtasan.”
Kapag dumarating ang problema, kanino tayo umaasa? Napaka- inam na kapag nagsimulang makalas ang mga hibla ng buhay natin sa mundo, puwede tayong lumapit sa Dios na nagbibigay ng walang hanggang kaligtasan sa pamamagitan ni Cristo.